Dalawang salita. Siyam na letra. Sarap pakinggan, lalo na kung ito'y galing sa taong gusto mo rin. Oo, sa taong gusto mo rin na may gusto rin sa'yo.
Ibig bang sabihin, kayo na?
Hindi.
Ibang-iba ang taong gusto mo sa taong mahal mo. Ang taong nagugustuhan mo ay parang isang bagong damit, maganda sa una. Madalas sinusuot kaya napagsasawaan. Ang taong mahal mo naman ay wala sa uso pero kahit anong panahon pwede mong isuot. Timeless.
Noong nakaraang buwan ang dalawang salita na nabanggit ko kanina ay nabanggit sa akin ng isang taong gusto ko (na hindi ko inaasahan na magugustuhan ko pala siya). Labis ang aking kasiyahan. Ngunit nandoon pa rin ang pag-aalinlangan. Dalawang buwan bago mangyari yun ay may nagsabi rin sa akin ng ganoon na gusto ko rin. Ang dalawang taong ito ay nagustuhan ko hindi dahil lang sa pisikal nilang anyo kundi dahil sa kanilang katalinuhan at sense of humor. Aaminin ko kinilig ako sa mga sandali na sinabi nila yun sa akin. (Magkaibang panahon nila inamin sa akin yun at magkaibang panahon ko rin sila nagustuhan kaya lilinawin ko lang na hindi ko sila pinagsabay.) Bilang babae, umasa ako na pagkatapos ng nangyari ay may magbabago. Pero mali ako.Ang mga salitang iyon ay nanatiling mga salita. Kaya sa isa pang pagkakataon, nag-aalinlangan ako. Natatakot ako.
Hindi sa lahat ng pagkakaton makukuha natin ang gusto natin. Maniwala ka man sa hindi may mga bagay na para sa'yo at para rin naman sa iba. May mga bagay din na patikim lang. Hindi masama ang maghintay sa taong magiging sa'yo lamang. Kung tutuusin mas mahahanap mo ang hinahanap mo kung ika'y maghihintay. Mahahanap mo yung taong hindi kukupas sa pagdaan ng panahon. Hindi mo pagsasawaan. Handang manindigan sa mga salitang binibitawan. Magmamahal sa'yo ng matapat.
Siguro nga'y hindi pa ito ang tamang panahon para sa akin pero handa akong maghintay.
No comments:
Post a Comment