Friday, 7 December 2012

Istimer


   Isang lutong siomai  na ako dito sa kinatatayuan ko dahil sa sobrang init at gitgitan ng mga kapwa kong siomai at siopao. Tagaktak na sa pawis ang aking likod at leeg na sinabayan pa ng nanlalagkit kong buhok. Ihahawi ko na lang ito sa aking kaliwang balikat. Ngunit dahan-dahan lang kung hindi ay magagalit si Aleng maliit na nakapila sa aking likod.

   Isang malakas na tunog ang umalingaw-ngaw, siya namang tingin ng mga ate sa kanilang kanan. Mabilis na lumalapit ang ilaw. Ayan na ang tren. Ayan na ang pwersang nanggagaling sa likod na siyang sasabayan ng aking katawan. Hindi pa bumubukas ang mga pinto ng tren sumusugod na ang mga amazona. Walang laban naman ang mga gustong lumabas mula sa mainit na istimer na ito. Ayaw kong makisali sa kanilang away. Tanging ang mga inosenteng laptop at kamera ko ang mahalaga sa akin ngayon. Hindi sila dapat bumitaw sa akin o madamay sa pangyayaring ito.

   Durog na ang ang mga siomai at siopao sa loob ng istimer. Sa bawat biglang tigil ng tren walang natutumba dahil ubos lahat ng espasyong pwedeng tumbahan nino man. Ayon lang, may na over-cook na isang siomai man yun o siopao. Hindi na kaya ni ate ang init dito sa loob ng istimer. Ngunit gusto niya pa ring ipagpatuloy ang biyahe upang makita lamang si Andres. Tulad niya may magagawa pa ba kami? May mangyayari ba kung kami ay magrereklamo? Magpapasko na. Magpasensiyahan na lang sa mga nagigitgitan at magbigayan  na lang. 

No comments:

Post a Comment